Hirit na TRO laban sa bagong electric company sa Iloilo pinaboran ng korte.

INQUIRER PHOTO/RAFFY LERMA

Pinaboran ng hukuman sa Mandaluyong City ang petisyon ng Panay Electric Company (PECO) na magpalabas ng Temporary Restraining Order o TRO na pipigil sa Department Of Energy(DOE) at Energy Regulatory Commission(ERC) na ipatupad ang 25 taong legislative franchise sa MORE Electric and Power Corporation o MORE Power.

Sa limang pahinang kautusan na ipinalabas ng Mandaluyong City Regional trial Court , branch 209 na may petsang March 13,2019 nakasaad na granted o pinagbigyan ang hiling na TRO ng PECO laban sa MORE na kumpanyang  pag-aari ng negosyanteng si Enrique Razon.

Iiral sa loob ng 20 araw ang TRO na pipigil sa pagpapatupad ng Republic Act 11212 na  nilagdaan ni Pangulong Duterte noong buwan ng Pebrero.

Nabatid na napaso na noong January 18 ang prangkisa ng PECO kaya iginawad sa MORE Electric Power Corporation ang prangkisa para magsuplay ng kuryente sa Iloilo.

Pero ayon sa PECO, nilabag ng bagong prangkisa ang karapatan para sa due process at iginiit na ang paglilipat ng prangkisa sa bagong electric company ay maituturing na arbitrary and confiscatory dahil mistulang kinumpiska ng gobyerno ang mga asset ng PECO at ibinigay sa isang pribadong kumpanya.

Giit pa ng petitioner na hindi naman nasunod ang mga requirements bago gawaran ng legislative franchise ang bagong electric company dahil mga asset lang din ng PECO ang gagamitin nila.

Read more...