Pumalo na sa P1.8 Million ang kabuuang halaga ng reward money para sa makapagbibigay ng impormasyon sa mga responsable sa pagpatay kay Christine Lee Silawan.
Nagbigay ang Lapu-Lapu City government ng isang milyong piso habang 500 thousand pesos naman mula sa isang dayuhan na nakatira sa Leyte at 100 thousand pesos mula sa Advisory Council ng Police Regional Office sa Central Visayas.
Nagdagdag pa ng 200 thousand pesos ang Provincial Council for the Welfare of Children o PCWC para sa kaso.
Sa isang press conference, sinabi ni Lapu-Lapu City Mayor Paz Radaza na layon nitong makalakap ng karagdagang impormasyon para maresolba ang kaso.
Ipinag-utos na aniya sa mga pulis ang mabilis na pag-resolba sa kaso ng ginahasa at pinatay na 16-anyos na biktima.
Samantala, sinabi naman ni Senior Superintendent Limuel Obon, hepe ng Lapu-Lapu City Police Office na hinihintay pa nila ang abiso ng isang American national na si Don Davis na handang magdagdag ng 100 thousand pesos sa pabuya.
Matatandaang natagpuang walang buhay, walang suot pang-ibaba at binalatan pa ang mukha ng labing-anim na taong gulang na dalagita.