Nakauwi na sa Pilipinas ang pitong Filipino seafarers na pinalaya matapos makulong sa Libya mula 2017 dahil sa umanoy fuel smuggling.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), dumating ang mga Pilipinong tripulante sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Martes ng gabi at muling nakasama ang kanilang mga pamilya.
Kasama ng mga Pilipino sa biyahe mula Istanbul sakay ng Turkish Airlines si Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers Affairs Abdullah-Mama-o at Philippine Embassy Charge d’ Affaires Mardomel Melicor.
Ang mga Pinoy seamen ay sinalubong ng kanilang mga asawa at anak kasama si Labor Secretary Silvestret Bello III at Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola.
Kasama ang pito sa 2o Filipino crew members ng Liberian-flagged MV Levant na inaresto ng Libyan Coast Guard noong August 2017 sa hinalang pagpupuslit ng langis.
Inabswelto ng Libyan High Court ang mga Pinoy at inutos na sila ay palayain noong nakaraang linggo matapos mareview ang kanilang kaso.
Sagot ng DFA ang gastos sa repatriation ng pito mula Tripoli at binigyan din sila ng tulong pinansyal na P100,000 bawat isa.
Ayon sa DFA, ang perang ibinigay sa pito ay mula sa P1 billion Assistance to Nationals Fund na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.