Ibinahagi ni Senate Presidente Tito Sotto III na ipinatawag siya ni Pangulong Duterte sa Malakanyang para mapag-usapan ang hindi pa naisasabatas na 2019 national budget.
Aniya ang pulong ay magaganap ngayon gabi at aniya isasama niya sina Sen. Loren Legarda, ang chairperson ng Senate Committee on Finance; Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Migs Zubiri, Sen. Ping Lacson at Atty. Yolanda Doblon, pinuno ng Legislative Budget Research and Monitoring Office.
Ayon kay Sotto paninindigan nila na ang tanging pipirmahan niya ay ang naratipikahan sa bicameral conference committee at hindi ang diumano’y minaniobra ng pamunuan ng Kamara.
Hindi naman nasabi ni Sotto kung sa pulong ngayon gabi ay maayos na ang gusot ukol sa pambansang pondo, ngunit tiniyak nito na mas magiging malinaw kung ano ang mangyayari.
Nauna nang sinabi ng lideratong Kamara na nasa kamay na ng mga senador ang bola kaugnay sa panukalang budget para sa taong 2019.
Bago ito ay sinabi ng pangulo na hindi siya lalagda ng anumang dokumento na iligal kaugnay sa mga isyu ng insertions sa pambansang pondo.