Hinikayat ng Department of Interior ang Local Government o DILG ang mga local government unit sa walumpu’t isang probinsya na bumuo ng sariling task force laban sa rebelyon.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na dapat sundan ng mga LGU ang aktibong aksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang national task force chairperson na labanan ang mga teroristang grupo.
Mahalaga aniya ang responsibilidad ng mga LGU para mahinto ang kaguluhan na ginagawa ng mga miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Dagdag pa ng opisyal, mas alam ng mga lokal na opisyal ang mga isyu sa kanilang nasasakupan.
Sa tulong din aniya ng provincial task force, mapapaigting ang resources at pwersa ng gobyerno sa mga probinsya.