Ilang lugar sa Mandaluyong City limang araw nang walang tubig

Photo: Isa Umali

Dumadaing na ang mga residente ng Mandaluyong City dahil sa kawalan ng tubig sa kanilang lugar.

Ayon sa ilang residente na nakausap ng Radyo Inquirer, halos limang araw nang walang tubig sa kani-kanilang bahay.

Naabutan din ng Radyo Inquirer ang mahabang pila ng mga residenteng nahihintay ng rasyon ng tubig, partikular sa Barangay Barangka drive.

Kanya-kanya silang dala ng containers, gaya ng timba, galon at kahit lalagyan ng taho ay ginamit na rin para sa maiigib na tubig.

Bahagya namang naantala ang pagbukas ng tangke ng tubig, dahil kailangan pa raw hintayin ang “order” ng opisyal ng Barangay.

Nairita tuloy ang mga nakapila pero kinalauna’y binuksan na ang tangke matapos ang maayos na usapan.

Bagama’t may nagrarasyon, gaya ng mga truck ng Manila Water at fire trucks ng lokal na pamahalaan pero hindi sapat ang suplay.

Ang masaklap pa, dahil malabo ang tubig ay hindi magagamit na pangluto o pang-inom.

Ang sabi ng iba, gagamitin na lamang daw nila ang narasyon bilang pambuhos sa kubeta.

Dagdag ng ilang residente, mula nang mangyari ang water interruption ay hindi sila makapasok sa trabaho.

Kawawa rin anila ang mga bata, lalo na ang mga sanggol.

Ang kakapusan sa suplay ng tubig ay bunsod ng pagbaba ng level ng tubig sa La Mesa dam.

Read more...