PNP: Mas maraming bloke ng cocaine inaasahang marerekober sa mga susunod na araw

Posibleng mas marami pang bloke ng cocaine ang makuha sa eastern seaboard ng bansa ayon sa Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, ipinag-utos niya na ang mas maigting na koordinasyon sa mga residente sa mga baybaying dagat.

Mas marami anyang bloke ng cocaine ang inaasahang mapapadpad sa coastal areas ng bansa lalo na kung tama ang kanyang teorya.

Sinabi umano ng Australian police na may mga nakumpiskang bloke ng cocaine sa Papua New Guinea noong Hunyo hanggang Setyembre noong nakaraang taon.

Ang mga cocaine na ito ay para dapat sa Australia.

Posible umanong ang mga cocaine bricks ay isinakay sa barko at kalaunan ay itinapon o hindi kaya ay lumubog ito.

Sa pagtaya ay nasa 500 kilos ng cocaine ang itinapon sa dagat.

Samantala, ang police commanders sa eastern seaboard ay may alok na isang sako ng bigas o kaya ay P2,000 sa kada bloke ng cocaine na marerekober.

Binalaan naman ang mga mangingisda at coastal residents na sakaling makuhaan sila ng cocaine at posibleng makulong sila ng aabot sa 40 taon.

Read more...