Nasa 69.16 meters na lang ang water level sa La Mesa dam base sa datos ng PAGASA, araw ng Biyernes, March 8.
Ito na ang pinakamababang antas ng tubig sa dam sa nakalipas na 12-taon, at maaring sa susundo na 2 araw pa ay umabot na ito sa critical level na 69 meters.
Ang 1.7 billion liters kada araw na water demand ng mga consumer ng Manila Water ang dahilan ng pagbaba ng tubig sa dam, lalo pa at walang nararanasang pag-ulan.
Mataas pa naman ang antas ng tubig sa Angat dam na nasa 201.75 meters pa at ito ang nagsusuplay ng tubig sa La Mesa dam.
Una nang nagpatupad ng contingency plan ang Manila Water para matugunan ang posibleng epekto ng El Niño sa suplay ng tubig.