Umaabot sa P1.8 Million cash na nakalaan sana bilang subsidy allowance ng mga tauhan ng 14th Infantry Battalion ng Philippine Army ang natangay sa naganap na ambush sa Catbalogan City.
Sa paunang imbestigasyon, sakay ng isang military truck ang limang sundalo ng Philippine Army nang sila’y tambangan sa Brgy. Lagundi sa nasabing lungsod.
Dead-on-the-spot sina Cpl. Chelito Edera at Sgt. Chris Campos samantalang sugatan naman ang tatlo nilang mga kasamahan na kasalukuyang ginagamot sa hindi binanggit na ospital.
Makaraan ang pananambang ay kinuha ng mga rebelde ang armas ng mga sundalo kasama ang nasabing cash na nakalaan para sa mga tauhan ng 14th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Sinabi ni Capt. Isagani Biernes, spokesman ng 8th Infantry Division na isang malinaw na kaso ng pandarambong ang ginawa ng mga rebelde.
Nagsasagawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang mga tauhan ng Philippine National Police kaugnay sa nasabing insidente.