Walang balak si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ilaglag si Saranggani Rep. Manny Pacquiao sa kanyang senatorial slate sa 2016 Elections.
Ito’y sa kabila ng pahayag ng Pambansang Kamao na hindi niya aabandonahin si Vice President Jejomar Binay at mananatili sa United Nationalist Alliance o UNA.
Sa panayam dito sa Davao City, sinabi ni Duterte na matalik niyang kaibigan si Pacquiao at yun ang rason kung bakit niya gustong makasama ang Filipino boxing champion sa kanyang tiket sa halalan.
Pagtitiyak ni Duterte, personal niyang ikakampanya ang senatorial bid ni Pacquiao kahit nagpasya na siya na sa UNA lamang sasama.
Bukod naman kay Pacquiao, kinumpirma ni Duterte na i-eendorso niya ang iba pang kongresista na tatakbong senador gaya nina Reps. Ferdinand Martin Romualdez, Samuel Pagdilao, at Roman Romulo.
Samantala, kinumpirma ni Duterte na tinapos na niya ang alitan kay dating House Speaker Prospero Nograles.
Bumilang din ng maraming taon ang tensyon kina Duterte at Nograles dahil sa pulitika.
Pero ayon kay Nograles, minabuti nila na tuldukan na ang awayan, at sa halip ay matulungan para sa darating na halalan. S
inigurado ni Nograles na ikakampanya ng kanyang buong pamilya si Duterte.