Kaso ng dengue sa bansa umabot na sa higit 36,000

File photo

Pumalo na sa higit 36,000 ang kaso ng dengue sa bansa ayon sa pinakahuling tala ng Department of Health (DOH).

Sa datos mula sa Epidemiology Bureau ng DOH mula January 1 hanggang February 23, umabot na sa 36,664 ang bilang ng dengue cases sa bansa kung saan 140 na ang nasawi.

Ayon sa DOH, ang kaso ng dengue sa unang dalawang buwan ng taon ay mas mataas ng 14,703 sa kaparehong panahon noong 2018 na mayroon lamang 21,961 cases.

Ang Central Visayas ang may pinakamataas na bilang ng dengue cases na may 4,089 na may 29 na nasawi; sinundan ng Caraga na may 3,878; at National Capital Region (NCR) sa 3,821.

Bagaman kasama ang NCR sa may pinakamaraming kaso ng dengue, mas mababa naman ito sa 4,003 cases na naitala sa kaparehong panahon noong 2018.

Lampas na umano sa epidemic threshold ang kaso ng dengue sa Cagayan Valley, Mimaropa, Cordillera Administrative Region at Caraga habang lampas na rin sa alert threshold ang kaso ng sakit sa Bicol, Western Visayas at Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Twenty six percent ng mga kaso ng sakit ay kinabibilangan ng mga bata edad lima hanggang siyam na taong gulang.

Magugunitang nagbabala ang DOH na bukod sa kaso ng tigdas ay lumolobo rin ang kaso ng dengue sa bansa.

Read more...