P60M halaga ng mga sigarilyo na may pekeng stamps, nakumpiska sa CDO

Credit: Jigger J. Jerusalem/Inquirer Mindanao

Trak trak na mga sigarilyo na may pekeng stamps ang nakumpiska ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at National Bureau of Investigation (NBI) sa Barangay Kauswagan, Cagayan de Oro City araw ng Huwebes.

Nakita ang mga sigarilyo sa bodega sa national highway.

Ayon kay Alberto Daba, regional investigation division chief ng BIR Revenue Region 16, base sa pagsusuri sa mga sigarilyo gamit ang device na tinatawag na “taggant reader,” nadiskubre na peke ang mga stamps ng mga sigarilyo.

Ilan naman sa mga sigarilyo anya ay wala talagang stamps.

Sinabi ni Daba na milyong pisong halaga ang nawawalang kita sa gobyerno dahil sa pagkalat ng mga illegal items gaya ng mga sigarilyo na peke ang stamp dahil hindi nagbabayad ng buwis ang mga manufacturers.

Sa pagtaya ni Nolan Gadia, NBI-10 special investigator, nasa P60 milyon ang halaga ng mga sigarilyo na peke ang stamps.

Ang mga sigarilyo ay may tatak ng brand na Philip Morris Fortune Tobacco Corp. at Japan Tobacco Industry.

Kabilang sa mga nakumpiskang sigarilyo ang mga brand ng More, Marvels, Mighty at Fort.

Read more...