Pilipinas at Malaysia nagkasundo sa mapayapang solusyon sa gusot sa WPS

Inquirer file photo

Nagkaroon ng pagpupulong sina Pangulong Rodrigo Duterte at Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad bilang bahagi ng kanyang state visit sa bansa.

Ito ay makaraang salubungin ng pangulo ang pagdating ni Mahathir sa Malacañang na binigyan ng full military honors.

Sa kanilang pagpupulong, sinabi ni Mahathir na mananatiling matatag na trade partner ng Malaysia ang Pilipinas habang mas lalo pang pinalalakas ang diplomatic ties ng dalawang bansa na nagsimula pa noong 1959.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na sumentro ang pulong ng dalawang lider sa mga isyung may kinalaman sa ekonomiya at pulitika.

Nagkaisa rin ang dalawang lider na isusulong nila ang payapang pamamaraan para sa isyu ng mga pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea.

Nauna na ring sinabi ng 93-anyos na lider ng Malaysia na wala nang ginagawang paghahabol ang Pilipinas sa isla ng Sabah bagay na mariin namang itinanggi ni Panelo.

Matapos ang kanilang joint press statement ay isang state banquet ang inihanda ng Malacañang para kay Mahathir na siyang itinuturing na pinaka-matandang head of state sa kasalukuyan.

Huling nagkita ang pangulo at ang Malaysian premier sa naging laban nina People’s Champ Manny Pacquiao at Lucas Martín Matthysse sa Kuala Lumpur noong Hulyo ng nakalipas na taon.

Read more...