Ipinahihinto ni ACT PL Rep. Antonio Tinio ang isinasakatuparang Joint Military Exercises ng Pilipinas at Japan dahil sa pagiging “unconstitutional” nito.
Kasabay nito, maghahain ang Mambabatas ng resolusyon para mapaimbestigahan sa Kamara ang Japanese military activities sa bansa.
Para kay Tinio, nilalabag ni Pangulong Noynoy Aquino ang Saligang Batas na nagbabawal sa mga dayuhang pwersa sa pagpayag sa Joint Exercise na nagsasagawa pa ng mga surveillance flight sa pinag-aagawang West Philippines Sea.
“President Aquino is committing a gross and blatant violation of the Constitutional prohibition on foreign troops in allowing the joint exercise with Japanese military forces,” ani Tinio.
Sinabi pa ni Tinio, pinapayagan lamang ang presensya ng dayuhang Military Forces sa teritoryo ng Pilipinas kung mayroong treaty na ratipikado ito ng Senado.
Subalit sa ngayon, wala aniyang umiiral na treaty sa pagitan ng Pilipinas at Japan kaya malinaw na labag sa Konstitusyon ang aktibidad sa Palawan.
Naniniwala rin si Tinio na dahil sa military ties ng dalawang bansa laban sa China, nagmimistulang sunud-sunuran ang Pilipinas sa Japan.
Ipinaalala ng Kongresista ang mga nangyari noong World War II at ang patuloy na pagmamatigas ng Japanese Government na mag-sorry at bigyan ng kumpensasyon ang mga Pilipinong ginawang comfort women. / Isa Avendaño-Umali