Zamboanga Sibugay posibleng isailalim sa state of calamity dahil sa El Niño

File photo

Ikinukonsidera ng pamahalaang panlalawigan ng Zamboanga Sibugay na isailalim ang kanilang probinsya sa state of calamity dahil sa epekto ng El Niño sa kanilang sektor ng agrikultura.

Ayon kay Zamboanga Sibugay Governor Wilter Palma, hindi pa man kumpleto ang damage reports sa 16 na munisipalidad ng lalawigan ay umaaray na ang ilang mga magsasaka sa pinsala ng tagtuyot sa kanilang mga sakahan.

Ani Palma, sa bayan pa lamang ng Buug, 100 ektarya ng sakahan ng palay ang hindi mapakinabangan dahil natuyo na ang mga pinagkukunan ng tubig sa lugar.

Hinimok ni Palma ang mga munisipalidad na isumite na ang kanilang reports sa linggong ito sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.

Ito ang magiging basehan kung irerekomenda ang pagsasailalim sa buong lalawigan sa state of calamity.

Sakaling maideklara ang state of calamity, ang ilang bahagi ng P85 milyong calamity fund ay gagamitin para sa pagbili ng seedlings na ibibigay sa mga magsasaka at sa pagpapatupad ng food for work program.

Ang Zamboanga Sibugay ay isa sa pinakamalaking tagapag-produce ng bigas sa Western Mindanao.

Matatandaang noong Martes ay nagdeklara na ng state of calamity ang Zamboanga City dahil din sa epekto ng El Niño.

Read more...