Nilinaw ni Justice Secretary Menardo Guevarra na pansamantala lamang ang kanselasyon ng Bureau of Corrections o BuCor sa mga pribilehiyo ng mga bilanggo sa buong bansa.
Sa pasya ni BuCor Director General Nicanor Faeldon, suspendido ang visiting privileges at recreational activities sa pitong penal colonies kabilang na sa New Bilibid Prison o NBP dahil sa patuloy na pagkakadiskubre sa mga kontrabando mula sa mga preso.
Iniimbestigahan din ng BuCor ang inmate na si Rustico Ygot dahil sa umano’y drug operations nito sa kulungan sa pamamagitan ng paggamit ng internet.
Ayon kay Guevarra, isang “temporary measure” ang hakbang ni Faeldon at tiyak naman na ibabalik ang mga sinuspindeng pribilehiyo sa takdang panahon.
Marapat din aniyang bigyan ng panahon ang BuCor para maisagawa ang operasyon laban sa kontrabando at iba pang ilegal na bagay sa mga bilangguan.
Nanindigan naman si Faeldon sa kanyang desisyon na pagkansela sa dalaw ng mga inmate.