34 katao, sugatan sa salpukan ng bus at truck sa Maynila

Phil. Red Cross photo

(UPDATE) Tinatayang nasa 34 katao ang nasugatan sa salpukan ng isang pampasaherong bus at isang trailer truck sa kanto ng San Marcelino at Remedios Streets sa Maynila alas 9:46 Martes ng gabi.

Ang mga nasugatan ay pawang mga pasahero ng bus.

Sangkot sa aksidente ang isang unit ng Kersteen Bus na may plakang DXG 860 at body number 6888.

Biyaheng Tagaytay ang bus nang makasalpukan ang trailer truck.

Sa CCTV footage ng Barangay 689 sa Maynila, mapapanood na patawid ang bus nang makasalpukan nito ang truck. Tumama ang unahang bahagi ng truck sa likurang bahagi ng bus.

Basag ang salamin at tumagilid sa kanan ang pampasaherong bus bunsod ng salpukan.

Sa inisyal na impormasyon, imbes na dumaan sa normal na ruta sa Taft Avenue ay dumaan umano ang bus sa San Marcelino at nakasalpukan ang bus.

Lumalabas na out of line ang bus dahil hindi ito dumaan sa tamang ruta nito.

Kapwa nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga driver ng bus at truck.

Samantala, sa mga larawan naman ng Philippine Red Cross, makikita na nilalapatan ng lunas ang mga nasugatan.

Nagpadala ang PRC ng 5 ambulansya at 1 rescue vehicle sa lugar.

Sa tinugunan ng PRC, nasa 5 katao ang nagtamo ng minor injuries at hirap sa paghinga.

Isa namang biktima ang dinala sa PGH para sa dagdag na medikal na atensyon.

Read more...