Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang implementation plan para sa national program on family planning.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, inaprubahan ng pangulo ang plano sa cabinet meeting kagabi sa Malacañang matapos magpresenta ng plano sa pangulo sina Socioeconomic Sec. Ernesto Pernia at Commission on Population Development Executive Director Juan Antonio Perez III.
Sinabi ng kalihim na sa ilalim ng programa, bibigyan ng access ang nasa 11.3 milyong babaeng Filipino sa modern contraceptives sa susunod na apat na taon.
Naniniwala ang palasyo na papalo sa 65 percent ang bilang ng mga babae na makagagamit sa modern contraceptives mula sa kasalukuyang 40 percent lamang.
Dahil sa naturang programa, inaasahang mailalayo ang nasa apat na milyong babae sa walang planong pagbubuntis at dalawang milyong kaso ng aborsyon.
Naniniwala ang palasyo na mula sa 20 percent ay bababa sa 14 percent ang fertility rate sa bansa pagsapit sa 2022.