Umakyat na sa 16,349 ang kaso ng tigdas sa buong bansa kung saan 261 ang namatay na dahil sa sakit.
Ayon sa Department of Health (DOH), kabuuang 1,411 kaso ng tigdas ang naitala mula March 1 hanggang March 2.
Dahil dito ay mahigit 16,000 na ang measles cases mula pa noong January 1 hanggang March 2.
Ang Calabarzon ang nagtala ng pinakamaraming nagkasakit ng tigdas sa 3,877 habang 78 na ang nasawi.
Sumunod ang National Capital Region (NCR) na may 3,617 kaso at 76 ang patay.
Ayon pa sa DOH, ang pinakaapektadong age group ang nasa pagitan ng isa at apat na taong gulang na nasa 4,911 kaso (30 percent) at 124 ang namatay (48 percent).
Sinundan ito ng mga pasyente na siyam na buwang gulang pababa na 4,222 kaso (26 percent) at 99 na pagkamatay (38 percent).
Binanggit ng ahensya na 209 katao o 80 percent sa mga namatay sa tigdas gayundin ang 9,975 o 61 percent ng nagkasakit nito ay hindi nabakunahan.
Una nang nagdeklara ang DOH ng measles outbreak sa Metro Manila at ilang bahagi ng Central Luzon at Central Visayas.
Nag-anunsyo rin ang ahensya ng “red flag” health alert status dahil sa pagsipa ng kaso ng rehiyon sa rehiyon.