Sa programang Bantay OCW sa Radyo Inquirer/Inquirer 990 Television, sinabi ni Angara na ang pagpupuslit ng droga ang dahilan kaya napapahamak ang mga Pinoy na pumupunta sa ibang bansa lalo na iyong mga magtatrabaho roon.
Ayon sa Senador, dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas, sadya anyang mayroong mga Pilipino na kumakapit sa pagdadala ng droga sa ibang bansa.
Pero mariing pinayuhan ni Angara ang mga OFW na huwag itong gawin para hindi sila mapahamak lalo na sa mga bansa na kamatayan ang hatol sa drug trafficking.
Binanggit pa ni Angara na kung istrikto si Pangulong Duterte sa paglaban sa droga ay mas mahigpit sa ibang bansa.
Gayunman anya kung masangkot ang OFW sa kasong droga sa ibang bansa ay kailangan na palakasin ang mga konsulado para mabigyan ng legal assistance ang mga Pinoy abroad.