Sa ikatlong araw ng pagdinig ng UN Arbitral Tribunal sa reklamong inihain ng Pilipinas laban sa China, dalawang eksperto ang iniharap ng Philippine delegation sa korte bilang mga testigo.
Ang dalawang expert witnesses na naglahad ng resulta ng kanilang mga pagsusuri at pag-aaral ay sina Professors Kent E. Carpenter, Ph.D., at Clive Schofield, Ph.D.
Sinabi ni Philippines principal counsel Paul Reichler na sina Carpenter at Schofield ay pawang mga independent experts.
Sa kaniyang presentasyon, ipinakita ni Professor Schofield ang resulta ng kaniyang pag-aaral sa Scarborough Shoal partikular sa mga isyu ng insular, low tide, o high tide elevations.
Si Schofield ay kasalukuyang Director for Research sa Australian Centre for Ocean Resource and Security sa University of Wollongong, Australia.
Ipinakita ni Schofield sa tribunal ang mga Landsat images mg Scarborough Shoal sa panahon ng high tide at sa panahon ng low tide.
Samantala si Professor Carpenter naman ay bahagi ng Department of Biological Sciences sa Old Dominion University sa Norfolk, Virginia.
Sa kaniyang konklusyon, sinabi ni Carpenter ang hakbang ng China ay nagresulta na ng ‘grave harm’ sa kalikasan dahil sa pagtatayo ng artificial island.
Itinuturing din ni Carpenter na halos catastrophic level na ang pinsala sa complex coral reef ecosystem ng ginagawang reklamasyon ng China.