Paghahain ng substitution ni Duterte, isasapinal na sa Lunes ng PDP-Laban

pimentel-duterteMagpupulong sa Lunes sina PDP-Laban President, Senator Koko Pimentel III at si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Ito ay para plantsahin ang mga detalye hinggil sa gagawing paghahain ng substitution ni Duterte sa Commission on Elections (Comelec) at maisapormal na ang pagtakbo niya sa presidential elections sa 2016.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Pimentel na hihilingin mismo ng PDP-Laban kay Duterte na huwag nang hintaying sumapit ang December 10 na last day ng paghahain ng substitution. “Yung sa isyu ng filling (ng substitution) pag-uusapan namin sa Lunes, hihilingin namin sa kaniya (Duterte) na huwag nang hintayin ang last day ng filing ng substitution,” sinabi ni Pimentel.

Hindi pa naman masagot ni Pimentel kung si Senator Alan Peter Cayetano na nga ang tiyak na mamanukin ng PDP-Laban na kandidato sa bise presidente.

Ani Pimentel, hindi pa naman kasi pormal na sinasabi ni Duterte sa PDP-Laban na si Cayetano ang kaniyang pinipiling maging running mate.

Sakaling pormal na abisuhan ni Duterte ang PDP-Laban hinggil sa kanilang tandem ni Cayetano, sinabi ni Pimentel na hindi naman sila tututol. “Sa VP kasi tapos na ang deadline sa filing ng COC at walang kandidato ang PDP-Laban for VP. Ang magagawa na lamang ng party ay mag-adopt, hindi na kailangang sumali sa party ng sinumang ia-adopt namin. Hindi pa sinabi sa amin ni Mayor Duterte officially na talagang si Senator Alan ang gusto niyang running mate, kapag sinabi niya sa amin officially eh di ok sususportahan namin ang tandem nila hindi mag-oobject ang party,” sinabi pa ni Pimentel.

Para naman sa mga senatoriables, sinabi ni Pimentel na pipili din ang PDP-Laban sa hanay ng mga nakapaghain na ng COC para madesisyunan kung sino-sino ang kanilang ieendorso.

Read more...