4,000 residente sa Makati City binigyan ng lifetime “yellow card” membership

File photo

Higit 4,000 Makatizens lifetime members na ng Yellow Card sa pamunuan ni Mayor Abby

Matapos ang mahigit isang taon mula nang ipatupad ni Makati Mayor Abby Binay ang mga bagong alituntunin sa Makati Health Plus Program (MHP), na mas kilala bilang Yellow Card, may 62,307 cardholders na ang nairehistro nitong Disyembre 2018, kabilang na ang 4,101 na ginawaran ng lifetime membership.

Batay sa ulat ng MHP Office sa alkalde, may naitalang 4,845 mga bagong application na naaprubahan, at 56,048 namang renewal sa taong 2018.

Ang mga bagong cardholders ay kinabibilangan ng 2,687 bagong lifetime members na naidagdag sa 1,414 na naaprubahan noong 2017.

Sa kanyang pag-upo bilang Mayor noong 2016, idineklara ni Mayor Abby bilang isa sa kanyang mga pangunahing policy directions ang Access to Quality Health Care Services, at nangakong isusulong ang 100 percent Yellow Card coverage ng lahat ng kwalipikadong Makatizens, kasama ang mga residente at mga kawani ng city hall.

Tinukoy niya ang Yellow Card Program bilang isa sa mga pinakamahalagang pamana sa lungsod.

Ipinagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang pagpapahusay at pagpapalawig ng mga benepisyo at pribilehiyong natatanggap ng mga kasapi ng Yellow Card, upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga susunod na henerasyon ng Makatizens, diin ng alkalde.

Ayon sa MHP Office, ang mga inisyung Yellow Card ay nahahati sa sumusunod: 21,152 family cards na may kasamang dependents; 19,780 solo cards; 14,351 senior citizens; 2,923 city government employees; at 4,101 lifetime o permanent card holders.

Kabilang sa mga benepisyo ng mga Yellow Card holder at kanilang rehistradong dependents ang libreng outpatient consultation at subsidized hospitalization at diagnostic tests sa Ospital ng Makati (OsMak) na nasa pamamahala ng lungsod.

Kamakailan, nakuha ng OsMak ang ISO 9001:2015 certification.

Ang mga pasyenteng sakop ng Yellow Card ay maaaring i-refer sa mga kapartner na pasilidad tulad ng Makati

Medical Center upang mabigyan sila ng specialized medical and diagnostic services kapag wala sa OsMak, gamit ang kanilang Yellow Card.

 

Read more...