Binawasan ng Department of Justice (DOJ) ang kapangyarihan ni Commissioner Seigfred Mison ng Bureau of Immigration sa pag-apruba at pag-iisyu ng visa sa lahat ng port of entries sa bansa.
Nakasaad ito sa inilabas na Department Order numbers 911, 913 at 913 ni Justice Secretary Alfredo Benjamin Caguioa.
Sa ilalim ng DO 911, ibinigay kay Associate Commissioner Gilbert Repizo ang kapangyarihan bilang commissioner-in-charge sa lahat ng ports of entry sa bansa.
Nakasaad sa kautusan na si Repizo ang mayroong ekslusibo at direktang superbisyon at kontrol sa lahat ng personnel na direkta at hindi direktang konektado sa border control operations.
Kabilang dito ang mga regular employees, confidential agents, contractual employees at job order employees ng Intelligence Division, Counter Intelligence Unit, Border Management Security Unit at Travel Control Enforcement Unit.
Ibinigay din ni Caguioa kay Repizo ang “exclusive authority to issue exclusion orders”.
Sa DO 913 naman, inatasan ni Caguioa si Repizo na magsagawa ng inventory sa lahat ng recall and exclusion orders na naipalabas ng BI mula taong 2013 hanggang 2015 at pagkatapos ay isusumite ang report sa DOJ hinggil sa ginawang inventory kabilang ang observations at comments sa mga insidente.
Ang exclusion orders ay inilalabas ng BI para ang isang dayuhan ay agad na maipa-deport pabalik sa kaniyang pinagmulang bansa dahil sa pagiging undesirable alien habang ang ‘recall’ naman ay iniisyu kapag babawinng BI ang exclusion order.
Habang sa ilalim ng DO 912, inalis rin kay Mison ang kapangyarihan bilang tanging tagapag-apruba ng lahat ng applications para sa immigrant visa, non-immigrant visa conversion at issuance, amendment, extension at renewal ng Alien Certificate of Registration Identity Cards.
Sa halip, ibinigay ni Caguioa ang nasabing kapangyarihan sa Board of Commissioners na bahagi din naman si Mison.
Magugunitang naging kontrobersyal ang mga opisyal ng BI, nang pumutok ang balita tungkol sa isyu ng deportation sa Chinese fugitive na si Wang Bo.