Sa isang statement araw ng Linggo, sinabi ng CHR na ang banta sa buhay ni Bishop David ay banta laban sa lahat ng mga Filipinong nagpapahalaga sa kalayaan.
Ayon kay CHR spokesperson Jacqueline de Guia, posibleng ang mga pahayag laban kay David at ibang obispo ang naghudyat sa ilang mga tao na bantaan ang mga lider ng Simbahan.
Kailangan anyang maihinto na ang gawaing ito.
Matatandaang noong nakaraang taon, inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si David na nagnanakaw umano ng mga donasyong prutas.
Sa dalawang talumpati naman nitong Pebrero, hinimok ng pangulo ang publiko na holdapin at patayin ang mga obispo.
Si Bishop David ay kritiko ng kabi-kabilang patayan sa war on drugs.
Giit ng CHR, sinumang hindi sumasang-ayon sa mga polisiya at pananaw ng mga opisyal ng gobyerno ay hindi dapat bantaan ang buhay.
Noong nakaraang linggo, nanawagan na ang pangulo sa publiko na huwag saktan ang mga obispo.