Coast Guard magbubukas ng radar stations sa bansa

Magbubukas ng 21 radar stations sa buong bansa ang Philippine Coast Guard para mapalakas ang kanilang monitoring operations.

Ito ay sa gitna ng serye ng pagkakadiskubre sa mga bloke ng cocaine na nagpapalutang-lutang sa eastern seaboards ng bansa.

Ayon kay Coast Guard spokesperson Captain Armand Balilo, malaki ang maitutulong ng monitoring ng mga radar para malaman ang mga barkong pumapasok sa bansa.

Ikokonekta anya ito sa system ng International Maritime Organization para makilala kung ano ang barko na papasok sa Pilipinas huwag lamang anya magpapatay ang mga ito ng tracker.

Iginiit naman ni Balilo na ang pagpatay sa tracker ng barko ay ipinagbabawal at posibleng magresulta sa suspensyon ng prangkisa ng barko.

Ayon sa opisyal, bahagi ng modernization program ng PCG ang konstruksyon ng 10 radar stations o popondohan ng gobyerno habang ang 11 ay popondohan naman ng Japan.

Maliban sa pagsawata sa pagpasok ng iligal na droga at iba pang kontrabando, makatutulong umano ang radar stations sa response time ng Coast Guard para sa search and rescue at maiiwasan din ang maritime accidents.

Read more...