67 katao nasawi sa mga sunog mula Enero hanggang Pebrero 2019 – BFP

 

File photo

Pumalo na sa animnapu’t pitong katao ang nasawi sa mga sunog mula Enero hanggang Pebrero 2019.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Fire Chief Inspector Jude delos Reyes ng Bureau of Fire Protection na mataas ito ng 113 percent kumpara sa dalawampu’t anim na naitalang namatay sa mga sunog noong Enero hanggang Pebrero 2018.

Ayon kay delos Reyes, karamihan sa mga nasawi ngayon ay nakulong sa bahay habang natutulog.

Nangunguna aniya sa listahan ng sanhi ng sunog ang mga kable ng kuryente habang pangalawa ang mga naiwang upos ng sigarilyo.

Dagdag ni delos Reyes, mas mataas ang insidete ng sunog sa mga residential area sa mga informal settler kaysa sa mga establisyemento.

Paliwanag ni delos Reyes, marami na kasi sa mga establisyemento ngayon ang sumusunod sa Fire Safety Code.

Ngayong buwan ng Marso ginugunita ang Fire Prevention Month.

 

 

 

Read more...