Ayon sa Laguna Police, ang mga suspek ay mga miyembro umano ng isang loan shark syndicate na nagpapautang sa mga Chinese tourist para magcasino.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Xin Wang, Sun Qing Ji, Hong Zhong Ah, Yan Ben, Zhao Da Hai, at Si Cuan.
Nailigtas naman ang biktima nilang Chinese, na sinasabing dinukot ng mga suspek sa Makati noong February 27 at dinala sa isang resort sa Barangay Pansol.
Sinabi ng mga otoridad na nakakuha sila ng impormasyon na may taong humihingi ng tulong makaraang kidnapin ng isang grupo ng mga Chinese.
Agad namang rumesponde ang mga pulis sa resort, kaya nahuli ang mga suspek at na-rescue ang biktima.
Sa modus umano ng sindikato, nagpapautang sila sa mga kapwa Chinese nang may interes.
At kapag hindi nakabayad ay mangingidnap sila at hihingi ng ransom sa mga kaanak ng biktima.
Ayon sa Laguna Police, marami nang nabiktima ang sindikato. Patuloy naman ang imbestigasyon laban sa mga suspek.