Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na tuloy ang graduation ceremony para sa mga nakapagtapos ng Grade 6 para sa School Year 2018-2019.
Sa inilabas na DepEd Memoramdun Number 025, nilinaw ni Education Sec. Leonor Briones na bibigyan ng diploma ang mga “completers” sa Grade 6.
Ito ay bilang pagtutuwid sa naunang memorandum order ng kagawaran na nagsabing “moving up” ceremony lamang ang igagawad sa mga nagtapos ng elementarya.
Sa nasabing memo, sinabi ni Briones na under discussion pa sa hanay ng executive committee ang nasabing panukala dahil sa implementasyon ng K to 12 program ng DepEd.
Ayon pa sa DepEd Memorandum Number 025, ang mga nagtapos ng kindergarten ay bibigyan ng Kindergarten certificate kasabay ng moving-up ceremony.
Ang mga nagtapos ng Grade 10 ay pagkakalooban ng Junior High School certificate sa kanilang moving-up ceremony samantalang ang mga nakakumpleto ng requirements at pumasa sa Grade 12 ay bibigyan ng diploma bilang “Senior High School” completers kasabay ng graduation ceremony.
Sinabi rin ni Briones na ang School Year 2018-2019 ay dapat magtapos nang hindi maaga sa April 1 at hindi rin dapat lampas sa April 5.
Ang gastusin sa moving-up at graduation ceremonies para sa mga pampublikong paaralan ay dapat kunin sa pondo mula sa maintenance and other operationg expenses ng mga paaralan at hindi dapat singilin ang mga mag-aaral para sa nasabing mga seremonya.
Ipinagbabawal rin ng DepEd ang pagsasagawa ng Junior-Senior promenade, field trips at film showing bilang alternatibong paraan para makapasa ang isang mag-aaral sa kanyang mga kakulangan na asignatura.