Panelo: Malacañang di makikialam sa mga kakasuhan ng DOJ dahil sa Dengvaxia

Inquirer file photo

Tiniyak ng Malacañang na hindi makikisawsaw ang administrasyon sa kaso ng mga dating opisyal ng pamahalaan na sangkot sa Dengvaxia issue.

Ito ay makaraang kakitaan ng probable cause ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso sa mga dating opisyal ng gobyerno sa pangunguna ni dating Health Sec. Janette Garin.

“As always, we will not interfere in the proceedings save for the DOJ, which is mandated by law to prosecute accused felons,” ayon kay Panelo.

Sinabi pa ng tagapagsalita ng pangulo na magandang pagkakataon ito upang maipaliwanag sa hukuman ng mga kinasuhan ang panig panig sa isyu.

“As for the defendants, they should welcome this latest development as an opportunity to clear their names and raise whatever defense they have in relation to the matter before a court of law,” pahayag pa ng kalihim.

Ang pag-usad ng kaso para sa mga naging biktima ng Dengvaxia ay patunay lamang anya na may dapat ipaliwanag ang mga dating opisyal ng nagdaang administrasyon.

Panahon na rin ayon pa sa opisyal na mabigyan ng sagot ang mga tanong sa kung ano nga ba ang nangyari at kung sino ang mga dapat managot sa mga batang namatay makaraan silang bigyan ng nasabing anti-dengue vaccine.

Bukod kay Garin, ipinag-utos ng DOJ ang pagsasampa ng kaso laban sa siyam na dating opisyal ng Department of Health (DOH), dalawang dating opisyal ng  Food and Drug Administration, dalawang opisyal ng Research Institute for Tropical Medicine, at ilang opisyal ng Dengvaxia manufacturer na Sanofi Pasteur.

Ibinasura naman ang reklamo laban kay DOH Sec. Francisco Duque III at iba pang mga personalidad.

Read more...