Itinanggi ng PDP-Laban na sila ang nag-komisyon sa Pulse Asia survey kung saan nanguna sa listahan ng mga posibleng manalo bilang Pangulo si Davao Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon kay Sen. Koko Pimentel, wala siyang alam sa naturang survey at wala rin silang pera upang mag-komisyon ng mga survey.
Sa kabila nito, masaya aniya ang buong partido at mga taga-suporta ng alkalde sa pinakahuling resulta ng survey sa Metro Manila na isinagawa noong panahong hindi pa pormal na nagdedeklara ng kanyang kandidatura si Duterte.
Matatandaang November 21 lamang nagdeklara ng kanyang hangarin ang alkalde na tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
November 11 at 12 naman isinakatuparan ang survey ng Pulse Asia mula sa 300 respondents sa Metro Manila.
Sa naturang survey, nanguna si Duterte na umani ng 34 porsiyento ng pagpabor ng mga respondents na sinundan ni Sen. Grace Poe-26%; VP Jejomar Binay-22%; Mar Roxas-11% at Miriam Defensor-Santiago-7%.