Nakatakdang dinggin ang kasong graft laban sa dating action star at Optical Media Board (OMB) chairman sa February 2016.
Sa pre-trial na ginawa Huwebes, itinakda na ng Sandiganbayan Fourth Division ang mga petsang February 15 at 16 para sa pagdinig.
Magugunitang nahaharap sa kasong graft si Ricketts dahil sa umano’y pag-utos na i-pull out ang 121 na kahon ng DVDs mula sa tanggapan ng OMB na dapat sana’y gagamiting ebidensya kontra sa mga namimirata noong 2010.
Nasabat ang mga nasabing DVDs sa Quiapo noong May 2010 na dapat ay dadalhin sa opisina ng OMB, pero kinagabihan ay muling inilagay sa sasakyang pag-aari ng Sky High Marketing Corp.
Dahil dito, hindi na masampahan ng mga kaukulang kaso ang mga namimirata, at si Ricketts ang itinuturo ng Ombudsman na dapat managot.
Inakuasahan ng Ombudsman si Ricketts ng graft dahil sa pagbibigay nito ng undue advantage sa Sky High.
Ihaharap ng mga prosekyutor bilang testigo ang mga imbestigador mula sa Ombudsman Field Investigation Office at dalawang guwardyang naka-duty noong naganap ang pag-pull out ng mga ebidensya.
Gagamitin din nila ang certification mula sa pulisya at Intellectual Property Office (IPOPHL) na nagpapatunay na ang mga nakumpiskang DVD at VCDs mula sa Sky High ay kabilang sa mga sinira sa Philippine National Police headquarters.
Samantala, balak din i-presenta ni Ricketts ang kaniyang sarili bilang witness at handa rin siyang ipakita ang kaniyang phone records upang patunayan na wala siyang binigay na go-signal sa isa pang naakusahan na si Glenn Perez, ang computer operator na nangasiwa sa pag-pull out ng mga DVD.
Sinisisi rin ni Ricketts ang kaniyang deputy at isa pang akusado na si Excecutive Director Cyrus Paul Valenzuela dahil hinayaan lamang nitong mangyari ang nasabing pag-pull out.