Minomonitor ngayon ng Department of Health (DOH) ang pagdami ng kaso ng dengue sa ilang bahagi ng bansa kasunod ng measles outbreak.
Sa San Lazaro Hospital ay nasa 454 na ang kaso ng dengue sa nakalipas na dalawang buwan at apat sa mga pasyente ang nasawi.
Pero mas naaalarma ang ahensya sa unti-unting pagdami ng nagkasakit ng dengue sa ilang bahagi ng bansa.
Mula January 1 hanggang February 16, nagtala ang DOH ng 31,733 na kaso ng dengue.
Ito ay 233 percent na mas mataas kumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon.
Ayon sa DOH, may pinakamaraming kaso sa Central Visayas, sunod ang Calabarzon.
Sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na hindi lang tuwing tag-ulan sumisipa ang kaso ng dengue.
Binabantayan ng ahensya ang kaso ng dengue sa buong bansa dahil posibleng mas marami ang maitala ngayong 2019 kumpara sa nakalipas na dalawang taon.