Binatilyo sa Iloilo pinakabagong biktima ng ‘Momo challenge’

Isang 15-anyos na binatilyo sa Iloilo City ang pinakabagong biktima ng Momo challenge.

Nakilala ang biktima na si John, Grade 9 student, na unang nagsabing nakatakas siya mula sa mga armadong lalaki na kumidnap sa kanya at sa iba pang bata.

Kasama ang kanyang nanay at tiyahin ay ini-report ng bata sa Arevalo Police Station ang nangyari sa kanya at sa ilang bata.

Gayunman, ilang oras matapos ang paghahanap ng pulisya Consolacion, San Miguel na itinuro ni John na pinagdalhan sa kanila ng mga kidnaper, sinabi nito na ang kanyang kwento ay bahagi lamang ng Momo challenge.

Ayon kay San Miguel Police Chief C/Insp. Jojo Tabaloc, sa una pa lamang ay naramdaman niya nang hindi totoo ang kwento ni John tungkol sa pangingidnap ngunit trabaho niya pa ring alamin ito.

Kwento ni John, nadownload niya ang Momo app at dito siya inutusan ng kausap na pumunta sa isang malayong bayan at kapag umuwi ay magpanggap na hihimatayin.

Ang utos anya ay sa pamamagitan ng chat messaging at ang wikang ginamit ay Ingles.

Inutusan din umano si John na burahin ang conversation history.

Ayon sa ina ng biktima, tinakot ang kanyang anak na kung hindi gagawin ang challenge ay mas mabuti na lamang na magsuicide ito.

Kaya ginawa naman ito ni John dahil sa pangambang may banta sa buhay niya at kanyang pamilya.

Read more...