Sinabi ni Police Brig. Gen. Mami Marcos Jr., director ng PNP – Anti-Cybercrime Group, inaalam na nila kung may maiuugnay sa ‘Momo Challenge’ ang kaso ng pagkamatay ng isang 11-anyos na lalaki sa Quezon City.
Di’umano namatay sa drug overdose ang batang lalaki matapos makibahagi sa naturang social media game.
May mga kahalintulad na kaso na rin sa Brazil, Canada, Colombia at Europe, ayon kay Marcos.
Ibinahagi ni Marcos ang seven-point guidelines na inilabas ng National Online Safety, isang grupo ng mga online security experts, para maiwasan ang anuman banta ng ‘Momo Challenge.’
Aniya dapat ay ipaintindi ng mga magulang sa anak na hindi totoo ang ‘Momo Challenge’ at ito ay nakakatakot para sa mga murang kaisipan.
Mahalaga din aniya na alam ng magulang ang ‘online activities’ ng anak at dapat ay may limitasyon sa paggamit ng ‘gadgets’ ang mga bata.
Dapat din regular na kinakausap ng magulang ang anak ukol sa mga pressures ng mga kaibigan.
Idinagdag pa ng grupo, natural sa mga magulang na mag-alala sa mga nakikita online na maaring may masamang epekto sa kanilang anak at agad din i-block ang mga sites na hindi angkop sa bata ang nilalaman.