Nakakuha muli ng karagdagang kontrata ang Smartmatic-Total Management Solutions o Smartmatic-TIM para sa 2016 presidential elections.
Sa pagkakataong ito, nakuha ng Smartmatic ang 558 milyong pisong kontrata upang mai-transmit ang mga elections results ng susunod na halalan sa bansa o ang election results transmission solutions and management services (ERTS).
Paliwanag ni Comelec Spokesperson James Jimenez, ang naturang kumpanya ang nagbigay ng pinakamababang bid.
Dalawa pang bidders ang lumahok sa bidding ngunit mas mababa ang Smartmatic-TIM na nag-alok ng P507,718,000 para sa naturang proseso.
Aniya, sa pagtanggap ng Comelec sa Smartmatic, makakatipid ang pamahalaan ng P50,282,000.
Bukod sa mas mababang bid offer, ang Smartmatic din aniya ang nagpakita ng kahandaan upang pangasiwaan ang proseso.
Bahagi rin ng Terms of Reference para sa ERTS project ay ang pangakong maita-transmit ang mga election results sa loob lamang ng 24 oras.
Ang ERTS ay ang sistema kung saan ita-transmit ang elections results mula sa mga polling precincts patungo sa mga canvassing center hanggang sa central server ng Commission on Elections.