Noong Miyerkules lamang naganap ang ika-apat na pag-sabog sa lungsod simula noong November 14.
Wala namang nasaktan sa pinakahuling insidente pero ikinasira ito ng perimeter fence ng 6th Civil Military Battalion (CMB) headquarters.
Ayon kay Cotabato City police director Senior Supt. Raul Supiter, pinaniniwalaang mga lalaking sakay ng motorsiklo ang nag-lunsad ng pag-sabog sa CMB headquarters sa kahabaan ng Veterans Avenue.
Sinisisi ni 5th Special Forces Battalion commander Col. Ranulfo Sevilla ang isang sindikato na gumaganti umano sa mga militar.
Tinukoy niya ang lider nito na si Ruben Montes na nalagasan ng tatlong miyembro kabilang na ang kaniyang asawa dahil sa engkwentro sa pagitan ng kaniyang grupo at ng mga operatiba ng Special Forces.
Naaresto si Montes sa kasong illegal gun possession pero nakalaya din noong November 13 alinsunod ng kautusan ng korte.
Isang araw lamang matapos makalaya si Montes ay pinasabog na nito at ng kaniyang mga kasapi ang Cotabato Light and Power Co. na nagsanhi ng brownout sa buong lungsod.
Sinundan na ito ng rifle grenade attack sa mga sasakyan ng Army na ikinasugat ng dalawang sundalo at dalawang sibilyan, at noong sumunod na araw ay may inihagis din na granada sa isang bingo center sa Sinsuat Avenue pero hindi naman sumabog.
Pinaghahandaan at minamanmanan na rin ng mga militar ang posibilidad ng mga pag-atake gamit ang granada simula pa noong Setyembre matapos mapatay ang dalawang sundalo mula sa Army Special Forces Battalion sa naunang pag-atake.
Ani Supiter, sa kabuuan ay apat na ang nasugatan ng mga pagpapasabog sa lugar kabilang na ang dalawang sundalo.