Pahayag ito ni Transportation Sec. Arthur Tugade matapos sabihin ng Pangulo na ang trapik na lang sa EDSA ang hindi niya natupad sa kanyang mga pangako noong kampanya.
Sinisi ng Malakanyang ang Kongreso sa hindi pagbigay ng emergency power sa Pangulo para maibsan ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Ayon kay Tugade, ang emergency power ay kasama sa “basket of solution” sa pagresolba sa problema sa trapik.
“Tama ho ‘yung Presidente, kung naipasa lang ‘yung tinatawag na emergency power. Ito ho ay kasama sa basket of solution: nadiyan ‘yung emergency power, nandyan ‘yung MRT, nandyan yung LRT, nandyan ‘yung modernization, pati na ‘yung nagawang pagbabago ng ‘Republika Walang Plaka’ kasama ho lahat ‘yang solusyon para ‘yung issue ng traffic ay maaddress,” ani Tugade.
Unang sinabi ng Pangulo na kailangan niya ang emergency power para may pondo ang gobyerno na isagawa ang kaukulang pagkumpuni at rehabilitasyon.