Ito ay matapos magsulputan ang mga kakila-kilabot na kwento tungkol sa ‘momo challenge’ na umano’y nag-uutos sa mga bata na saktan ang kanilang kapwa at patayin ang kanilang mga sarili.
Itinuturong dahilan ng pagpapatiwakal ng 11-anyos na estudyanteng si Chlyv Jasper ‘CJ’ Santos ang suicide games.
Lumaklak ang bata ng halos 20 tableta ng gout medicine.
Kwento ng ina nitong si Paula Bautista, nagsalita ang kanyang anak ng mga katagang ‘I will follow my master and I will kill them’ habang nasa intensive care unit (ICU) ito.
May nakapagsabi raw kay Paula na may kaklase ang kanyang anak na naglaslas sa kamay sa loob mismo ng classroom.
Nabasa ni Paula ang palitan ng usapan sa Facebook ni CJ at ng kanyang kaklase na naglalaman umano ng mga bagay patungkol sa suicide games habang ang search history ng anak sa internet ay puro tungkol sa dark web at mga online challenges tulad ng ‘momo challenge’.
Posible anyang ang mga ito ang nagtulak sa anak para kitilin ang sarili nitong buhay.
Taong 2016 nang umingay ang mga balita tungkol sa blue whale challenge at momo challenge.
Hahamunin ang mga biktima na gumawa ng suicidal tasks.
Ang momo challenge kung saan tampok ang isang nakakatakot na hitsura ng isang babae ay nagsisimula sa isang messaging app.
Sa pamamagitan ng chat ay tinatakot ang mga bata at inuutusan na gumawa ng mga mapanakit na bagay sa kanilang kapwa at sarili.
Ang mensahe ni momo ay kadalasang isinisingit umano sa mga pambatang videos sa internet.
Dahil sa mga ulat tungkol sa blue whale at momo challenge ay ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Oscar Albayalde ang imbestigasyon tungkol dito.
Ani Albayalde, inatasan na niya ang PNP Anti-Cybercrime Group na tingnan ang bagay na ito at i-block ang mga apps kung maaari.
Nanawagan din ang police official sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak lalo na kapag wala ang mga ito sa kanilang tabi.
“Sa ating mga magulang, kailangan po siguro bantayan natin ang ating mga anak rito. Siguro ang kailangan dito is ‘yung talagang magabayan ang mga anak lalo na kapag sila ay wala sa atin, nandun sa mga schools,” ani Albayalde.
Maging ang mga guro ay hinikayat na gabayan nang mabuti ang mga kabataan para maiwasan ang suicidal thoughts at mga suicidal tasks mula sa internet.