Nanawagan ang Diocese of Kalookan sa publiko na ipanalangin ang kaligtasan ni Bishop Pablo Virgilio David.
Ito ay matapos kumpirmahin ng obispo na nakatatanggap siya ng banta sa buhay sa nakalipas na dalawang linggo.
Sa kanilang Facebook page ay ibinahagi ng diyosesis ang panalangin para kay David.
Ibinahagi rin ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) o grupo ng mga lider ng iba’t ibang Catholic religious orders ang panalangin para sa obispo.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakatanggap ng text si dating Special Assistant to the President Christopher Bong Go mula kay Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle na may ilang Church officials at pari ang nakatatanggap ng death threats sa umano’y tao na nagtatrabaho sa pamilya ng presidente.
Si David na bise presidente rin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ay kilalang kritiko ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.
Naniniwala ang obispo na ang pagkakalulong sa droga ay isang sakit na kailangang gamutin at hindi solusyon ang pagpatay.
Naglunsad si David ng community-based drug rehabilitation program sa Diocese of Kalookan na layong tulungan ang mga sangkot sa iligal na droga sa Caloocan, Navotas at Malabon.