Sa talumpati ng Pangulo sa General Assembly ng League of Municipalities of the Philippines sa Maynila, sinabi nito na panahon na rin para aregluhin si MNLF chairman Nur Misuari.
Ayon sa Pangulo, nabuo ang kasunduan matapos magkaroon sila ng pulong ni Misuari sa Malakanyang.
Matagal na panahon na aniyang naghintay si Misuari para makamit ang inaasam na kapayapaan.
Ayon pa sa Pangulo, isang malakihang desisyon ang kanyang gagawin sa pagbabalik sa bansa ni Misuari.
“Kaya sabi ko itong kay Nur, areglo tayo dito. Sabi ni Nur, he is willing to talk and he has waited this long for me to make a decisive decision when he comes back. Nandoon man sila kagabi dalawa sa… Sabi ko, time for us to craft a new deal for the MNLF of Misuari” ani Duterte.
Una rito pinayagan ng Sandiganbayan na makalabas ng bansa si Misuari para dumalo sa pagpupulong sa Abu Dhabi at Morocco. Inaasahang babalik sa bansa si Misuari sa March 20.
Si Misuari ay mayroong warrant of arrest dahil sa kasong rebelyon bunsod ng Zamboanga siege noong 2013 at nahaharap rin sa two counts ng graft at malversation of public funds dahil sa maanomalyang pagbili ng education materials noong siya pa ang gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) noong 2000 at 2001.