Kumpiyansa ang Malacañang na hindi spoiler ng kapayapaan si Moro National Liberation Front Chairman Nur Misuari.
Ito ay kahit na hayagan ang pagtutol ni Misuari sa Bangsamoro Organic Law at sa halip ay pinapaboran ang Pederalismo.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, mabait, matuwid at maasahang tao si Misuari.
Rasonable rin aniya kung mag-isip ang chairman ng MNLF at malayo sa paningin ng iba na spoiler.
Katunayan, sinabi ni Panelo na matagal nang hinahangad ni Misuari na magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao region.
Una rito, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na panahon na para bumalangkas ng bagong kasunduan sa MNLF.
Ito ay matapos maratipikihan ang BOL na magtatatag sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Magugunitang napaulat na nagtampo si Misuari dahil mas nabigyan ng mas maraming representasyon sa itinayong Bangsamoro entity ang mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).