Death threat kay Bishop David gawa-gawa lang ayon kay Panelo

Inquirer file photo

Naniniwala ang Malacañang na dapat na imbestigahan ang natanggap na death threat ni Caloocan Bishop Pablo David.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ito ay kung totoong may pagbabanta nga sa buhay ng Obispo.

“Dapat imbestigahan iyan kung totoo. Pero ako, tingin ko gawa-gawa lang iyang mga threat na iyan”, ayon kay Panelo.

Hindi na dumalo si Bishop David sa Ka Pepe Diokno Human Rights Awards sa Dela Salle University sa Maynila dahil sa death threat.

Isa si Bishop David sa mga bumatikos sa anti-drug war campaign ni Pangulong Duterte dahil sa nauwi na umano ito sa extra judicial killings.

Una rito, nag text si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle kay dating Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go para ipabatid kay Pangulong Rodrigo Duterte na nakatanggap na ng pagbabanta sa buhay si Bishop David at iba pang mga obispo.

Ipinaabot ni Cardinal Tagle ang mensahe sa pangulo matapos hikayatin ng punong ehekutibo ang mga drug addict sa bansa na holdapin at patayin ang mga obispong naglalakad sa kalye.

Ikinagagalit ng pangulo ang pagbatikos ng mga pari at obispo sa kanyang madugong kampanya kontra sa illegal na droga.

Read more...