Subway project ng gobyerno sampal sa mga kritiko ayon sa Malacañang

Inquirer photo

Sinupalpal ng Malacañang ang mga kritiko na nagsasabing panaginip lamang ang pagkakaroon ng Metro Manila Subway.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, isang malaking sampal ngayon sa mga kalaban ni Pangulong Duterte ang naturang proyekto dahil kanina lamang ay ginawa na ang groundbreaking ceremony sa Quezon City para sa kauna-unahang underground railway system sa bansa.

Sinabi ng kalihim na kapag nakumpleto ang proyekto ay aabutin na lamang ng tatlumpong minuto ang biyahe mula sa Quezon City patungo sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Mayroon aniyang labing limang istasyon ang underground railway system kung saan magiging operational ang tatlong unang istasyon sa taong 2022.

Mahigpit aniyang tutukan ng Office of the President ang pag-usad ng proyekto para masigurong mapakikinabangan ng taong bayan.

“The Metro Manila Subway has been dubbed as the project of the century as it is considered a major transformational project in mass transport in the country”, ayon pa kay Panelo.

Umaapela rin aniya ang palasyo sa publiko na magtiis muna dahil tiyak na isang malaking ginhawa ang idudulot ng naturang proyekto.

Ayon kay panelo, umaasa ang pamahalaan na itutuloy ng susunod na administrasyon ang proyekto para tuluyang matapos ang underground railway system sa bansa.

Isa lamang ang underground railway system sa flagship project ni pangulong Rodrigo duterte sa P8 Trillion infrastructure program.

Aabot sa tatlumpu’t anim na kilometro ang subway project na magmumula sa Valenzuela city at aabot sa NAIA.

Read more...