Hinimok ng isang opisyal ng Philippine National Police o PNP ang publiko na huwag iboto ang mga politiko na gumagamit ng “wang-wang.”
Ayon kay PNP-Highway Patrol Group Director Chief Supt. Roberto Fajardo, “kapag mali ay mali.”
Iginiit ng Fajardo na kung hindi sumusunod ang mga kandidato sa umiiral na pagbabawal sa wang-wang, mas lalong hindi dapat silang iboto ng mga tao.
Ipinaalala naman ng PNP official sa mga pulitiko na tanggalin na ang wang-wang sa kanilang mga sasakyan.
Kapag lalabag, sinabi ni Fajardo na kukumpiskahin ng mga pulis ang mga wang-wang at blinkers.
Kung ayaw naman ibigay, posibleng ma-impound ang sasakyang gagamit ng wang-wang.
Kamakailan ay naging viral sa social media ang paggamit ng wang-wang ng ilang sasakyang sinasabing pag-aari ng isang senatoriable.