Nagpahayag ng pangamba si House Committee on Public Order and Safety Chair Romeo Acop na posibleng ginagamit na paraan sa pagpapasok ng shabu ang pagdating ng mga basura galing South Korea sa bansa.
Ayon kay Acop, posibleng kalakaran rin sa Bureau of Customs (BOC) kaya nakapasok ang tone-toneladang basura mula sa South Korea.
Sa pagdinig ng Kamara, lumabas na pinayagan ng BOC na mailipat ang shipment ng basura sa Phividec Industrial Estate kahit na hindi pa ito nasusuri.
Sinabi naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na nakagugulat na pinayagan na maibaba ang basura sa barko nang walang import permit.
Pumalag din si Misamis Oriental Rep. Juliette Uy dahil nananatili pa rin sa kanyang distrito ang mahigit limang libong toneladang basura.
Nakakabahala anya dahil sa mapanganib ito sa kalusugan ng kanyang mga kababayan at kapaligiran sa lugar.