Ayon kay P/Sr/ Insp. Phillip Ines -tagapagsalita ng MPD Station 4, pinagpahinga muna nila sina PO1 Joven Miguel na nagsilbing driver ng mobile at si PO2 Mark De Lima.
Ito ay makaraang makaranas umano ng trauma ang dalawa pulis nang harangin sila ng mga suspek at dis-armahan sa Lacson Avenue bago pinagbabaril hanggang mapatay ang ine-escortan nilang dalawang suspek.
Tiniyak ng MPD Station 4 na bukas sila sa imbestigasyon sa kanilang mga tauhan kung anong posibleng pananagutan nila.
Sa nasabing insidente, nakuha sa dalawang pulis ang kanilang 9mm glock service pistol.
Ang mobile naman na pinagbabaril ng mga suspek ay nasa MPD headquarters na.
Sa naturang insidente, sakay ng mobile ang mga self-confessed hitmen na sina Apolonio Flores, 37 anyos at Prince Patrick Cortez, 32 anyos na inaresto noong Lunes sa kasong Illegal Possession of Firearms at ikinulong sa Manila Police District – station 4.
Pabalik ng presinto sina Flores at Cortez kasama ang dalawang pulis matapos sumailalim sa inquest proceedings nang mangyari ang pananambang.