Señeres, may 3 kondisyon para pumayag siyang magpahalili kay Duterte sa 2016 presidential elections

roy seneresPapayag daw si OFW Family PL Rep. Roy Señeres na maging substitute Presidential Candidate niya si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa 2016 Elections.

Pero, sinabi ni Señeres na mangyayari ito kung magagawa umano ni Duterte ang tatlong kundisyon.

Unang sa inilatag na kundisyon ni Señeres, dapat bawiin ni Duterte ang mga “harsh statement” nito laban kay Senadora Grace Poe, na tatakbo rin sa pagka-Pangulo sa halalan.

Pangalawa, sinabi ni Señeres na kailangan daw maging “pro-life” ni Duterte, na kilala sa kanyang mala-kamay na bakal na pamumuno sa Davao City.

Bukod dito, may mga report ng umano’y koneksyon ni Duterte sa kilabot na Davao death squad, na pumapaslang ng mga drug addict, kriminal at iba pa.
Kinatatakutan din aniya si Duterte dahil sa mga banta nito gaya ng papatay siya ng mga taong gagawa ng mali.

Pangatlo namang kundisyon ni Señeres, kung magagawang ipagtanggol ni Duterte ang mga karapatan ng mga contractual worker sa buong bansa.
Dapat din aniyang sumumpa si Duterte sa partido ni Señeres, ang Filipino Family Party.

Nilinaw naman ni Señeres na walang masamang tinapay sa pagitan nila ng Duterte.

Sa katunayan aniya, iisa lamang ang fraternity na kinabibilangan nila noong panahon na nag-aaral sila ng Law, at lagi raw siyang tinatanggap ni Duterte tuwing pupunta siya sa Davao City.

Si Duterte ay matatandaang nag-anunsyo ng kanyang pagsabak sa Presidential race dahil sa pagkadismaya raw niya sa SET decision sa disqualification case laban kay Poe.

Pero may kwestyon kung makakatakbo ba ang Mayor, lalo’t kumplikado ang COC sa pagka-Presidente na inihain ng kaalyado nitong si Martin Diño.

Read more...