PAGASA: Typhoon Wutip, papasok na ng PAR bukas; hindi tatama sa kalupaan

Papasok na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong may international name na ‘Wutip’ bukas araw ng Huwebes.

Sa 4am weather update ng ahensya, huling namataan ang bagyo sa layong 1,985 kilometro Silangan ng Central Luzon.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 170 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 210 kilometro bawat oras.

Ayon sa weather bureau, mabagal itong kumikilos pa-Hilaga at hindi ito inaasahang tatama sa kalupaan ng bansa.

Ayon kay weather specialist Chris Perez, sa loob ng 24 hanggang 48 oras matapos itong pumasok sa PAR ay inaasahan itong hihina at magiging isang low pressure area (LPA) na lamang.

Samantala, northeast monsoon o hanging Amihan pa rin ang umiiral sa halos buong bansa

Dahil sa Amihan, makararanas ng maulap na kalangitan na may mahinang pag-uulan sa Batanes, Calayan at Babuyan Group of Islands.

Sa natitirang bahagi naman ng Cagayan Valley region maalinsangan ang panahon ngunit mararanasan pa rin ang mahihinang pag-ulan.

Sa nalalabing bahagi naman ng bansa kabilang na ang Metro Manila ay maalinsangan pa rin ang panahon.

Read more...