Nanindigan ang Malacañang na kahit kailan ay hindi na mauulit ang pagkakaroon ng diktador na pamamahala sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na mali ang interpretasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino na nagbabadyang bumalik sa Malacañang ang isang diktador.
Sa ika-33 taong anibersaryo ng Edsa People Power, sinabi ni Aquino na ang pagbuhay sa Department of Human Settlement na dating pinamumunuan ni dating first lady Imelda Marcos at ang panukalang palitan ng “Maharlika” ang Pilipinas ay tatak ng rehimeng Marcos.
Sinabi pa ni Aquino na pinatalsik na sa pwesto ang isang diktador pero tila binubuhay ang pa ang bangungot ng nagdaang pamahalaan.
Sagot naman ni Panelo, “Maybe the previous administration wanted to do a la Cory at the time eh hindi nila nagawa. Hindi ba Cory was installed as a dictator. Di ba naging dictator siya? Revolutionary government, one-woman rule at the time.”
Lumutang rin ang isyu noong 2014 kung saan ay sinabi ni dating Pangulong Noynoy Aquino na bukas siya na amyendahan ang Saligang Batas para alisin ang term limit ng pangulo ng bansa.
Pero kalaunan ay binawi rin ni Aquino ang kanyang naunang pahayag sa nasabing isyu.